Star Gaze

Budots – Ang Musika ng Masa

by Divine Grace Perez | 04/07/2025

Sa Pilipinas, maraming anyo ng kulturang popular—mula sa telebisyon, pelikula, at social media, hanggang sa musika at sayaw. Isa sa mga pinaka kilalang tunog na nagmula sa masa ay ang Budots. Ngunit paano nga ba ito naging bahagi ng kulturang popular? At bakit ito mahalaga sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino?

 

Ang Budots ay isang kakaibang dance at music genre mula sa Pilipinas na naging viral noong maagang bahagi ng dekada 2010. Ito ay isang electronic dance music (EDM) genre. Ang Budots ay hindi lang basta simpleng sayaw o tunog—isa itong kultura. Nagsimula ito noong 2009 sa Davao City, likha ni DJ Love, o Sherwin Tuna, isang DJ at choreographer. Siya ay lumaki sa hirap at para sa kanya, ang musikang ito ay hindi lang pampasaya kundi isang paraan upang mailayo ang mga tao sa gangs, krimen, at droga.

 

Ayon kay DJ Love, hindi ito musika ng mayayaman—ang Budots ay para sa masa, sa mga simpleng taong gustong sumayaw at magsaya.

 

Mula sa lansangan, kumalat ang Budots sa buong bansa. Pinasikat ito ng mga sayawan sa barangay, pati na rin ng social media. Sa TikTok, milyon-milyon na ang gumagamit ng tunog na ito bilang background music para sa kanilang sayaw at memes.

 

Sa kabila ng kasikatan, mahalagang tandaan ang ugat nito. Isa itong genre na sumasalamin sa realidad ng masa—na kahit anong hirap ng buhay, may espasyo para sa saya. Para kay DJ Love, ang Budots ay simbolo ng kasiyahan, kalayaan, at kultura ng masa. Isa itong paraan ng pagpapahayag ng sarili, lalo na para sa mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan.

 

Ang Budots ay higit pa sa tunog. Isa itong kilusan, isang ekspresyon ng kasayahan at pagiging malaya. Ang kulturang popular ay hindi lamang makikita sa telebisyon o pelikula. Minsan, ito ay sumisibol mula mismo sa kalsada—tulad ng Budots. Isang tunog na nagmula sa masa, lumaganap sa social media, at ngayon ay bahagi na ng ating kultura.

"Are you a star? Join us at star gaze!"